| |
Pambungad: Layunin at Tema
- Ang mga kawikaan ni Haring Solomon,
anak ni David na hari ng Israel:
- para sa pagtatamo ng karunungan at disiplina;
para sa pag-unawa sa mga salita ng kaalaman;
- para sa pagtatamo ng matutuwid at maayos na pamumuhay,
nagsasagawa ng buhay na tama, matuwid at tapat;
- para sa pagbibigay talino sa mga walang karanasan,
karunungan at wastong pagpapasiya sa mga kabataan
- ang marurunong ay makinig para madagdagan ang kanilang kaalaman,
at ang mga nakauunawa ay magtamo ng patnubay—
- para maunawaan ang mga kawikaan at talinghaga,
mga kasabihan at bugtong ng mga pantas.
- Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan,
subalit ang mga mangmang ay nababagot sa karunungan at disiplina.
Payo sa Pagyakap sa Karunungan
Babala Laban sa Tukso
- Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama
at huwag mong itatakwil ang aral ng iyong ina.
- Ang mga iyon ay koronang bulaklak na magpapaganda sa iyong ulo
at isang kadenilyang palamuti sa iyong leeg.
- Anak ko, kung himukin ka ng mga makasalanan,
huwag kang patutukso sa kanila.
- Kung sabihin nila, "Halika, sumama ka sa amin;
mag-abang tayo ng magdaraan,
sugatan natin ang makatuwaan nating mga walang malay;
- sila’y sakmalin natin nang buhay, tulad ng ginagawa ng libingan,
sakmalin nang buo, tulad ng mga lumulusong sa hukay.
- Samsamin natin ang lahat ng mahahalagang ari-arian nila
at punuin ang ating bahay ng ating masasamsam.
- Sumama ka sa amin, at papartihan ka namin"—
- anak ko, huwag kang sasama sa kanila,
huwag mong tutuntunin ang kanilang mga landas;
- sapagkat ang kanilang mga paa’y mabilis
sa paggawa ng kasalanan at sa pagpapadanak ng dugo.
- Walang kabuluhan ang mag-umang ng bitag
na nakikita ng mga ibon!
- Ang mga taong ganyan ay nag-aabang sa sarili nilang dugo;
sarili nila ang kanilang ipinapahamak.
- Ganyan ang nagiging wakas ng mga naghahangad ng pakinabang
sa pamamagitan ng masamang paraan;
ibinubulid sila sa sariling kamatayan.
Babala Laban sa Pagtanggi sa Karunungan
- Karununga’y nagtatawag nang malakas sa mga lansangan,
sumisigaw sa mga plasa ng bayan;
- nangingibabaw ang tinig sa maingay na mga lansangan,
nagtatalumpati sa pintuan ng mga lunsod:
- "Hanggang kailan kayo mananatiling mangmang?
Hanggang kailan kamumuhian ng mga mangmang ang karunungan?
- Kung kayo lamang ay nakinig sa aking mga babala,
sana’y ibinukas ko sa inyo ang aking puso,
at ipinaunawa sa inyo ang aking kaisipan.
- Ngunit, tinanggihan ninyo ako nang ako'y tumawag,
at di pinansin nang ilahad ko ang aking kamay.
- Ipinagwalang-bahala ninyo ang lahat ng payo ko,
at tinanggihan ang aking mga paalaala.
- Kaya, pagtatawanan ko ang inyong kasawian;
lilibakin ko kayo sa inyong kapahamakan
- kapag ang kapahamakan ay humampas sa inyo na parang bagyo,
at ang pagdarahop ay umihip na parang ipu-ipo,
kapag pinagharian kayo ng kaguluhan at bagabag.
- "Tatawagin nila ako subalit hindi ako sasagot;
hahanapin nila ako, ngunit hindi ako masusumpungan.
- Kinamuhian nila ang karunungan at hindi sila natakot sa Panginoon.
- Hindi nila tinanggap ang aking payo
at tinanggihan nila ang aking saway.
- Kaya, kakanin nila ang bunga ng kanilang kasamaan
at mabubusog sila sa bunga ng kanilang katusuhan.
- Sapagkat ang pagkaligaw ng mga walang malay ang papatay sa kanila,
at ang pagwawalang-bahala ng mga mangmang ang magwawasak sa kanila.
- Datapuwat ang nakikinig sa akin ay mamumuhay na ligtas,
payapa at walang panganib na kinatatakutan."
|