| |
Mga Babala Laban sa Kamangmangan
- Anak ko, kung naglagay ka ng panagot para sa iyong kapwa,
kung iniunat mo ang iyong mga kamay bilang pangako para sa iba,
- kung ikaw ay nasilo ng binitiwan mong mga salita,
nabitag ng mga salitang namutawi sa iyong bibig,
- ganito ang gawin mo, anak ko, para makawala ka,
yamang ikaw’y nahulog sa mga kamay ng iyong kapwa:
humayo ka at magpakumbaba, pilit kang magmakaawa sa kanya!
- Huwag mong pabayaang ikaw ay makatulog,
ni mapikit ang iyong mga mata.
- Palayain mo ang iyong sarili tulad ng usa
mula sa kamay ng mangangaso,
tulad ng ibon mula sa bitag na nasuotan.
- Taong tamad, tingnan mo ang langgam,
isaalang-alang mong mabuti ang kanyang pamumuhay
at maging matalino ka!
- Ito’y walang pinuno, walang kapatas o tagapamahala,
- ngunit nag-iimpok ng kanyang pangangailangan sa panahon ng tag-araw,
at nagtitipon ng pagkain sa panahon ng anihan.
- Hanggang kailan ka hihiga riyan, taong tamad?
Kailan ka gigising sa iyong pagtulog?
- Sandaling idlip, kaunting pagtulog,
sandaling paghahalukipkip—
- at daratal sa iyo ang kahirapan na parang isang mandarambong
at ang kasalatan na parang armadong lalaki.
- Ang taong buhong at tampalasan
na naglalakad at nagkakalat ng masasamang salita,
- kikindat-kindat ang mata,
sumesenyas ang mga paa,
naghuhudyat sa pamamagitan ng mga daliri,
- nagbabalak ng kasamaan sa kanyang puso—
laging nag-uudyok ng pag-aaway.
- Kaya bigla siyang daratnan ng kapahamakan,
bigla siyang mawawasak—wala nang lunas.
- May anim na bagay na kinamumuhian ang Panginoon—
pito na kanyang kinasusuklaman;
- mga matang palalo,
dilang sinungaling,
mga kamay na nagbububo ng dugo ng walang malay,
- pusong nagbabalak ng masasamang panukala,
mga paang nagdudumali sa kasamaan,
- bulaang saksing nagkakalat ng kasinungalingan
at taong nagpupunla ng kaguluhan sa kapatiran.
Babala Laban sa Pakikiapid
- Anak ko, sundin mo ang mga utos ng iyong ama
at huwag kaliligtaan ang turo ng iyong ina.
- Itali mo sa iyong puso magpakailanman;
ikuwintas mo sa iyong leeg.
- Papatnubayan ka ng mga ito sa iyong paglakad,
babantayan ka sa iyong pagtulog
at mangungusap sa iyo pagkagising mo.
- Sapagkat ang mga utos na ito ay ilaw,
ang turong ito ay liwanag,
at ang mga pagtutuwid ng disiplina ay siyang patungo sa buhay.
- Ilalayo ka ng mga ito sa masamang babae,
sa matamis na dila ng taksil na asawa.
- Huwag mong nanasain sa iyong puso ang kanyang kagandahan,
ni mabihag ka ng kanyang mga mata,
- pagkat gagawin ka ng patutot na sinliit ng isang pirasong tinapay
at pagsasamantalahan ng mapakiapid ang iyong buhay.
- Maaari bang kandungin ng isang tao ang apoy
na hindi masusunog and kanyang damit?
- Makalalakad ba ang isang tao sa nagbabagang uling
na hindi malalapnos ang kanyang paa?
- Gayon din ang taong sumisiping sa asawa ng iba;
walang sinumang sumasaling sa kanya na hindi makatitikim ng parusa.
- Hindi hinahamak ng tao ang kanyang kapwa kung ito ay magnakaw
upang bigyang kasiyahan ang kanyang pagkagutom.
- Gayunman, kung siya’y mahuli, pinagbabayad siya ng pitong ulit,
kahit na maubos ang lahat niyang tinatangkilik.
- Ngunit ang taong nakikiapid ay kulang ng pagpapasiya;
at ang sarili niya ang sinisira ng sinumang gumagawa nito.
- Sakit at kadustaan ang kanyang sasapitin
at hindi na mapapawi ang kanyang kahihiyan;
- sapagkat ang panibugho ay nagtutulak sa matinding galit ng asawang
lalaki,
at walang habag siyang maghihiganti.
- Hindi siya tatanggap ng anumang kabayaran;
tatanggihan niya ang suhol, gaano man ito kalaki.
|