| |
Babala Laban sa Babaing Nakikiapid
- Anak ko, dinggin mo ang aking mga salita
at ingatan ang aking mga utos.
- Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
pakaingatan mo ang aking mga turo
tulad ng mahalagang tau-tauhan ng iyong mga mata.
- Itali mo ito sa iyong mga daliri;
iukit mo sa himaymay ng iyong puso.
- Sabihin mo sa karunungan, "Kapatid kitang babae,"
ituring mong kamag-anak ang unawa.
- Ilalayo ka ng mga ito sa babaing mapakiapid,
mula sa asawang taksil at may mapang-akit na mga salita.
- Ako’y dumungaw sa bintana ng aking bahay at ako’y nagmasid.
- Natanaw ko ang mga kabataang lalaki
at napansin ko ang isang walang muwang.
- Naglalakad ito patungo sa lansangang malapit sa kanto,
papunta sa bahay ng babae
- nang magdadapit hapon, habang palubog ang araw,
at nasisimula nang dumilim.
- May lumabas na babae at siya’y sinalubong,
nakadamit ng patutot at may masamang hangad.
- (Siya ay masagwa at naghahamon, hindi matigil ng bahay.
- Ngayo’y nasa kalye, mayamaya’y nasa plasa,
nag-aabang sa lahat ng kanto.)
- Hinawakan niya ang lalaki at hinagkan
at di nahihiya ang mukhang sinabi:
- "Mayroon akong mga handog pangkapayapaan sa aking tahanan;
tinupad ko ngayon ang mga panata ko.
- Kaya lumabas ako para salubungin ka.
Hinanap kita at nasumpungan naman.
- Ang aking higaan ay binalot ko ng makukulay na lino mula sa Egipto.
- Ang higaan ko’y binusan ko ng pabangong mira, aloe at cinamon.
- Halika magpakalunod tayo
sa tamis ng pag-ibig hanggang umaga,
magpasasa tayo sa pagmamahalan!
- Wala sa amin ang aking asawa;
naglakbay siya sa malayong dako.
- Nagdala siya ng maraming pera
at sa kabilugan pa ng buwan ang kanyang balik."
- Sa mapang-akit na salita’y nailigaw niya ang lalaki;
sa matatamis na pananalita, ito ay kanyang natukso.
- Bigla siyang sumunod sa babae,
tulad ng isang bakang dinadala sa patayan,
- parang usang natapat sa patibong
hanggang sa maglagos ang palaso sa kanyang atay;
parang ibong sumisisid sa bitag,
walang kamalay-malay na buhay niya ang katumbas.
- Kaya nga, mga anak, pakinggan ninyo ako,
pag-ukulan ng pansin ang aking sinasabi.
- Huwag ninyong pabayaang ang puso ninyo’y
bumaling sa kanyang mga daan,
ni maligaw sa kanyang mga landas.
- Marami na siyang biktimang nailugmok;
hindi na mabilang ang kanyang naipahamak.
- Ang bahay niya ay daan patungong libingan,
nagbubulid sa mga silid ng kamatayan.
|