| |
Mga Paanyaya ng Karunungan
at ng Kamangmangan
- Ang karunungan ay nagtayo na ng kanyang bahay;
iniukit na niya ang pitong haligi nito.
- Naihanda na niya ang kanyang mga karne at natimpla na ang kanyang alak;
naiayos na rin niya ang kanyang mesa.
- Pinahayo na niya ang kanyang mga utusan, at nananawagan siya
mula sa pinakamataas na bahagi ng lunsod.
- "Lumapit dito ang lahat ng walang muwang!"
Ito ang sinabi niya sa mga kulang ng pagpapasya.
- "Halikayo, kanin ninyo ang aking pagkain
at inumin ninyo ang alak na aking tinimpla.
- Iwan ninyo ang mga lakad ninyong walang saysay
at kayo ay mabubuhay;
lumakad kayo sa landas ng kaunawaan.
- "Sinumang nagtutuwid sa manunuya ay nag-aanyaya ng pagdusta;
sinumang sumasaway sa masamang tao ay nag-aani ng paghamak.
- Huwag mong sasawayin ang manunuya pagkat kamumuhian ka niya;
pagsabihan mo ang taong matalino at mamahalin ka niya.
- Tagubilinan mo ang matalino at lalo siyang tatalino;
turuan mo ang taong matuwid at idadagdag ito sa kanyang kaalaman.
- "Ang pagkatakot sa Panginoon ay panimula ng karunungan,
at ang kaalaman tungkol sa Banal ay kaunawaan.
- Sapagkat sa pamamagitan ko ay darami ang iyong mga taon.
- Kung ikaw ay matalino, gagantimpalaan ka ng katalinuhan mo;
kung ikaw ay manunuya, magdurusa ka sa sarili mo."
- Ang babaing Kamangmangan ay masagwa;
siya ay walang taros at walang karunungan.
- Nauupo siya sa pintuan ng kanyang bahay,
sa isang upuan sa pinakamataas na dako ng lunsod,
- at nananawagan sa lahat ng nagdaraan,
sa lahat ng nagpapatuloy sa tuwid nilang landas.
- "Lahat ng walang muwang ay pumasok dito!"
Ito ang sinasabi niya sa mga kulang ng pagpapasya.
- "Ang nakaw na tubig ay matamis;
Malinamnam ang lasa ng pagkaing kinakain nang palihim!"
- Ngunit hindi nila alam na naroon ang mga patay
at ang mga panauhin niya ay nasa mga kalaliman ng libingan.
|