| |
- Ang matalinong babae ay nagtatayo ng kanyang bahay
ngunit winawasak ng mangmang ang sariling tahanan.
- Siyang matuwid sa kanyang lakad ay natatakot sa Panginoon,
ngunit siyang baluktot ang mga daan ay nagtatakwil sa kanya.
- Ang salita ng mangmang ay nagdadala ng pamalo sa kanyang likod,
ngunit ang mga labi ng marunong ay nagsasanggalang sa kanila.
- Kung saan walang mga baka, ang bangan ay walang laman,
pagkat ang masaganang ani ay sa lakas ng toro nababatay.
- Ang tapat na saksi ay di nanlilinlang
ngunit ang di tapat ay nagsasabi ng kasinungalingan.
- Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan, ngunit walang makita,
ngunit sa madaling umunawa, ang karununga’y madaling sasakanya.
- Lumayo ka sa taong mangmang,
sapagkat sa mga labi nito’y wala kang masumpungang karunungan.
- Ang karunungan ng maingat ay ang magbulay-bulay ng kanilang mga lakad,
ngunit ang kamangmangan ng mga mangmang ay panlilinlang.
- Kinukutya ng mga hangal ang pagsisisi sa kasalanan,
ngunit magandang kalooban ang makikita sa gitna ng mga matuwid.
- Nalalaman ng bawat puso ang sariling kapaitan,
at walang sinumang makahahati sa kanyang kagalakan.
- Ang tahanan ng masama ay mawawasak,
ngunit ang tolda ng matuwid ay uunlad.
- May daan na wari’y matuwid sa tao,
ngunit ang dulo niyon ay hahantong sa kamatayan.
- Maging sa pagtawa, ang puso’y maaaring masaktan,
at ang kagalaka’y maaaring magwakas sa kalungkutan.
- Lubusang pagbabayaran ng di nananalig ang kanyang mga lakad,
at ang mabuting tao ay gagantimpalaan sa kanyang pananalig.
- Ang karaniwang tao’y naniniwala kahit sa anumang bagay,
ngunit ang maingat na tao ay nagbubulay sa kanyang mga hakbang.
- Ang taong marunong ay may takot sa Panginoon at umiiwas sa kasamaan,
ngunit maiinit ang ulo at walang ingat ang taong hangal.
- Ang taong magalitin ay gumagawa ng kahangalan,
at ang taong tuso ay kinamumuhian.
- Ang karaniwang tao’y nagmamana ng kahangalan
ngunit ang masinop ay pinuputungan ng karunungan.
- Yuyuko ang mga taong masasama sa harapan ng mabuti,
at ang masasama sa mga pintuan ng matuwid.
- Ang mga dukha’y iniiwasan pati ng mga kapitbahay,
ngunit ang mayayaman ay maraming kaibigan.
- Siyang namumuhi sa kanyang kapwa ay nagkakasala,
ngunit ang mabait sa nangangailangan ay pinagpapala.
- Hindi ba ang nagbabalak ng masama ay naliligaw?
Ngunit silang nagpaplano ng mabuti ay pag-ibig at pagtatapat ang nasusumpungan.
- Lahat ng pagsisikap sa gawain ay nagbubunga ng pakinabang,
ngunit ang basta salita ay humahantong sa kahirapan.
- Ang kayamanan ng marunong ay ang kanilang korona,
ngunit ang kahangalan ng mga mangmang ay kahangalan ang ibinubunga.
- Ang mga tapat na saksi ay nagliligtas ng mga buhay,
ngunit mapanlinlang ang saksing bulaan.
- Siya na natatakot sa Panginoon ay may ligtas na tanggulan,
at para sa kanyang mga anak, ito’y magiging kanlungan.
- Ang pagkatakot sa Panginoon ay may ligtas na tanggulan,
at para sa kanyang mga anak, ito’y magiging kanlungan.
- Para sa isang hari ay kaluwalhatian ang maraming mamamayan,
ngunit bumabagsak ang isang prinsipe kung wala siyang nasasakupan.
- Ang taong matiyaga ay may malaking karunungan,
ngunit ang magagaliting tao ay naglalantad ng kamangmangan.
- Ang mapayapang puso ay nagbibigay ng buhay sa katawan,
ngunit ang inggit, sa mga buto ay kasiraan.
- Ang umaapi sa dukha ay lumalapastangan sa lumalang sa kanila,
ngunit ang mabait sa nangangailangan ay nagpaparangal sa Dios.
- Kapag dumarating ang sakuna, ang masama’y bumabagsak
ngunit kahit sa kamatayan, ang mga matuwid ay may kanlungan.
- Ang karunungan ay humihimlay sa puso ng marunong umunawa,
at maging sa gitna ng mga hangal, siya’y nagpapakilala.
- Ang katuwiran ay nagpapadakila sa isang bansa,
ngunit ang kasalanan ay kahihiyan ng alinmang bansa.
- Ang hari ay nalulugod sa matalinong alipin,
ngunit napopoot siya sa isang lingkod na nakahihiya.
|