| |
Mga Kawikaan ni Solomon
- Mas mabuti ang durog na tinapay
na may kapayapaan at katahimikan
kaysa isang bahay na puno ng pagkain
ngunit pinaghaharian ng kaguluhan.
- Ang matalinong alipin ay mamamahala sa isang nakahihiyang anak,
at makakaparte ng mana na tulad ng isang kapatid.
- Ang dalisayan ay sa pilak at ang pugon ay sa ginto,
ngunit ang Panginoon ang sumusubok sa puso.
- Ang masamang tao’y nakikinig sa mga labing masama;
ang isang sinungaling ay nagbibigay-pansin sa masamang dila.
- Siyang humahamak sa dukha ay nagpapawalang-halaga sa lumikha sa kanya;
sinumang nagtatawa sa kapahamakan ay di makaiiwas sa parusa.
- Ang mga apo ay putong na korona ng matatanda,
at ang mga magulang ay karangalan ng mga anak.
- Ang mga labing mapagmataas ay di angkop sa isang mangmang—
lalo naman ang mga labing sinungaling sa isang pamunuan.
- Ang suhol ay panggayuma ng nagbibigay nito;
nagtatagumpay siya saanman magtungo.
- Siyang nagtatakip sa isang pagkakasala
ay nagpupunla ng pag-ibig,
ngunit ang laging bumabanggit nito
ay nagpapahiwalay sa magkaibigang matalik.
- Sa taong may unawa ay sapat ang isang saway,
higit pa sa 100 palo sa isang mangmang.
- Ang tanging hangarin ng masama ay ang maghimagsik;
isang pinunong walang habag ang susuguin laban sa kanya.
- Mabuti pang masalubong mo ang isang oso na ang mga anak ay ninakaw
kaysa salubungin ang isang hangal sa kanyang kamangmangan.
- Kapag kasamaan ang ibabayad sa kabutihan,
ang kasamaa’y hindi na mawawala sa kanyang tahanan.
- Parang pagsira sa imbakan ng tubig ang pagsisimula ng away;
kaya iwasan na ito bago pa masimulan.
- Ang pagpapalaya sa nagkasala at ang pagpaparusa sa walang kasalanan—
sa gawaing ito, ang Panginoon ay nasusuklam.
- Ano’ng kabuluhan ng salapi sa kamay ng isang mangmang,
yamang wala siyang hangad na magkamit ng karunungan?
- Sa lahat ng panahon, umiibig ang isang kaibigan,
at ang isang kapatid ay ipinanganak para tumugon
sa panahon ng kagipitan.
- Ang taong walang sapat na pagpapasiya ay nagtataas ng mga kamay bilang pangako,
at naglalagay ng panagot sa kanyang kapwa.
- Siyang mahilig sa away ay umiibig sa kasalanan;
at ang nagtatayo ng mataas na tarangkahan ay nag-aanyaya ng kapahamakan.
- Ang taong may masamang puso ay hindi uunlad;
siya na may magdarayang dila ay mapapahamak.
- Ang pagkakaroon ng anak na mangmang ay nagdudulot ng kapighatian,
walang kagalakan ang ama ng isang mangmang.
- Ang masayang puso ay mabuting gamot,
ngunit ang lupaypay na diwa ay tumutuyo sa mga buto.
- Ang masamang tao’y lihim na tumatanggap ng suhol
upang baluktutin ang takbo ng katarungan.
- Ang karununga’y hindi iniiwan ng tingin ng unawa,
ngunit ang mga mata ng mangmang ay naglalagalag sa mga dulo ng lupa.
- Ang mangmang na anak ay nagdadala ng kalungkutan sa kanyang ama,
at nagdudulot ng kapaitan sa kanyang ina.
- Hindi tamang parusahan ang taong walang kasalanan,
o hagupitin ang mga pinuno dahil sa kanilang katapatan.
- Ang taong may talino ay maingat manalita,
at higit na maganda ang ugali ng taong may unawa.
- Ang mangmang na tahimik ay aakalaing matalino,
at ituturing na may unawa kung pipigilin ang dila nito.
|