| |
Mga Kawikaan ni Solomon
- Ang mabuting pangalan ay higit na kanais-nais
kaysa malaking kayamanan;
higit sa pilak at ginto
ang tinanggap na parangal.
- Sa bagay na ito ay pareho ang mayama’t mahirap:
Ang Panginoon ang maylikha sa kanilang lahat.
- Ang maingat na tao ay nakikita ang panganib
at nanganganlong siya,
ngunit ang mangmang na tao’y walang pinapansin
kaya nagdurusa.
- Ang pagkatakot sa Panginoon at ang kababaan
ay nagbubunga ng kayamanan, karangalan at buhay.
- Sa mga daan ng masasama,
mga tinik at patibong ay naglipana,
ngunit ang nag-iingat sa kanyang kaluluwa
ay lumalayo sa mga ito.
- Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
at kung tumanda siya hindi niya ito hihiwalayan.
- Ang mahihirap ay pinamamahalaan ng mayaman,
at ang mangungutang ay alipin ng nagpapahiram.
- Ang naghahasik ng kasamaan ay nag-aani ng kaguluhan
at mawawasak ang pamalo ng kanyang kagalitan.
- Ang mabait na tao ay pagpapalain,
sapagkat hinahatian niya ang mga dukha
ng kanyang pagkain.
- Palayasin mo ang manlilibak,
at mawawala ang alitan;
ang away at paghamak ay mawawakasan.
- Siyang umiibig sa pusong dalisay
at ang pangungusap ay kaaya-aya,
pati na ang hari’y magiging kaibigan niya.
- Ang paningin ng Panginoon
ay nakatuon sa kaalaman,
ngunit binibigo niya ang mga salita
ng mga taong di tapat.
- Sinasabi ng tamad, "Mayroong isang leon sa labas!"
o "Papatayin ako sa mga lansangan!"
- Ang bibig ng babaing nangangalunya
ay isang malalim na balon;
mahuhulog dito ang nasa ilalim
ng poot ng Panginoon.
- Ang kahangalan ang nakabalot
sa puso ng isang sanggol,
ngunit mailalayo siya rito
sa pamamagitan ng pagtutuwid.
- Ang nagpapahirap sa mga dukha
upang magpalago ng kayamanan
at ang nagbibigay ng mga regalo sa mayaman—
ay parehong maghihirap sa buhay.
Mga Salawikain ng Pantas
- Pakinggan ninyo at unawain ang mga sinasabi ng pantas;
gamitin ninyo ang inyong puso sa mga bagay na itinuturo ko sa inyo,
- sapagkat kasiya-siya kung iingatan ninyo ito sa inyong puso
at handa upang bigkasin ng inyong mga labi.
- Upang ang inyong pagtitiwala’y mapasa-Panginoon,
tinuruan ko kayo ngayon,
maging ikaw.
- Hindi ba’t sumulat na ako ng tatlumpung salawikain para sa ‘yo,
mga salawikain ng pagpapayo at kaalaman,
- nagtuturo ng mga salitang totoo at maaasahan,
upang makapagbigay ka ng mga sagot na mainam
sa kanya na nagsugo sa ‘yo?
- Huwag ninyong pagsamantalahan ang mga dukha pagkat sila’y dukha
at huwag ninyong pahirapan sa hukuman ang mga maralita,
- pagkat ang Panginoon ang hahawak ng kanilang usapin
at sasamsaman niya ang mga mananamsan sa kanila.
- Huwag kayong makipagkaibigan sa taong ang damdami’y mainit,
huwag kayong makikisama sa taong madaling magalit,
- baka malaman mo ang kanyang mga daan
at ikaw mismo ang masilo.
- Huwag kang tutulad sa taong nagtataas sa kamay bilang pangako
o naglalagay ng garantiya sa mga pagkakautang;
- Pagkat kung wala kang paraang makabayad,
pati higaan mo ay kukunin sa ‘yo.
- Huwag mong babaguhin ang muhon na matagal nang nakalagay
na itinayo pa ng iyong mga magulang.
- Nakakikita ka ba ng taong dalubhasa sa kanyang gawain?
Siya’y maglilingkod sa harapan ng mga hari;
at di sa mga taong hindi kilala.
|