| |
Mga Salawikain ng Pantas
- Kung mauupo ka sa hapag kasama ang namamahala,
pansinin mong mabuti ang nasa harapan mo,
- at harangan mo ng patalim ang iyong lalamunan
kung madama mong natatakawan ka.
- Huwag kang maghahangad sa mga pagkaing gustung-gusto niya,
sapagkat ang pagkaing iyon ay magdaraya.
- Huwag mong labis na pahirapan ang sarili para yumaman ka;
magkaroon ka ng karunungan na maging mahinahon.
- Sumulyap ka lang sa kayamanan at ang mga ito’y napaparam,
tiyak na tutubuan sila ng mga pakpak
at lilipad sa kalawakan, tulad ng agila.
- Huwag mong kakanin ang pagkain ng taong kuripot,
huwag mong pagnanasaan ang gustung-gusto niyang pagkain;
- pagkat siya ang uri ng tao na ang laging iniisip ay tungkol sa presyo.
"Kumain ka at uminom," ang sinasabi niya sa iyo,
ngunit ang puso niya ay wala sa iyo.
- Isusuka mo ang kaunting kinain mo
at mawawalang-saysay ang mga papuri mo.
- Huwag kang makikipag-usap sa hangal,
pagkat hahamakin niya ang katalinuhan ng iyong mga salita.
- Huwag mong babaguhin ang dating muhon sa hanggahan
o sasakupin ang bukirin ng mga ulila,
- pagkat ang Tagapagtanggol nila ay malakas;
siya ang magtatanggol sa kanila laban sa inyo.
- Ilagak mo ang iyong puso sa katuruan
at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.
- Huwag mong ikakait ang pagtutuwid sa iyong anak;
gamitan mo man siya ng pamalo, hindi siya mamamatay.
- Parusahan mo siya sa pamamagitan ng pamalo,
at iligtas ang kanyang kaluluwa sa kamatayan.
- Anak ko, kung marunong ang puso mo,
magagalak ang puso ko;
- ang buong katauhan ko ay magagalak
kung ang sinasabi ng mga labi mo ay tumpak.
- Huwag mong tulutang ang puso mo’y mainggit sa mga makasalanan,
sa halip, sikapin mong magkaroon ka ng takot sa Panginoon.
- Tiyak na maganda ang iyong kinabukasan,
at di mapapatid ang iyong pag-asa.
- Makinig ka sa akin, anak, at magpakatalino.
at ang puso mo’y ingatan sa matuwid na landas.
- Huwag kang sasama sa mga taong mahilig sa alak
o sa masyadong matakaw ng karne,
- sapagkat ang mga lasenggo at matatakaw ay maghihirap sa buhay,
at sa pagiging antukin ay magdadamit sila ng basahan.
- Makinig ka sa iyong ama na nagbigay sa iyo ng buhay,
at huwag mong itatakwil ang iyong ina kung siya’y matanda na.
- Bumili ka ng katotohanan at huwag mo itong ipagbibili;
kumuha ka ng karunungan, disiplina at pang-unawa.
- Ang ama ng taong matuwid ay may malaking kagalakan;
at ang may marunong na anak ay naliligayahan sa kanya.
- Nawa ang iyong ama at ina ay magalak;
nawa ang nagsilang sa iyo ay matuwa!
- Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso
at ituon mo ang paningin sa aking mga daan,
- pagkat ang babaing patutot ay malalim na hukay
at ang taksil na asawa ay makipot na balon.
- Para siyang mandarambong na nag-aabang,
at nagpaparami ng mga taksil na lalaki.
- Sino’ng kahabag-habag? Sino ang nalulungkot?
Sino’ng may alitan? Sino’ng nagrereklamo?
Sino’ng may mga gasgas na di dapat?
Sino’ng may mga matang namumula?
- Sila na laging nasa mga inuman,
na laging umiinom ng pinaghalong alak.
- Huwag mong titigan ang alak kapag ito’y mapula,
kapag ito’y kumikislap sa loob ng kopa,
kapag ito’y madulas lagukin!
- Pagkatapos, mangangagat ito na parang ahas
at makalalason na animo’y ulupong.
- Makakikita ka ng naiibang pangitain,
maglalaro sa isipan mo ang nakalilitong mga bagay.
- Makakatulad mo’y isang nakatulog sa kalawakan ng dagat,
nakahiga sa dulo ng layag.
- "Hinampas nila ako," iyon ang iyong sasabihin, "ngunit hindi
ako nasaktan!
Pinalo nila ako ngunit hindi ko naramdaman!
Kailan kaya ako magigising para makahanap uli ng maiinom?"
|