| |
Mga Salawikain ng Pantas
- Huwag ninyong kainggitan ang masasamang tao,
huwag ninyong hangaring makisama sa kanila;
- pagkat ang mga puso nila’y nagbabalak ng karahasan,
at ang pinag-uusapan nila’y ang gagawing kaguluhan.
- Sa karununga’y natatayo ang isang bahay,
at sa pamamagitan ng pang-unawa ito ay natatatag;
- sa pamamagitan ng karunungan,
ang mga silid nito ay napupuno
ng di karaniwan at magagandang kayamanan.
- Ang marunong na tao’y may malaking kapangyarihan,
at ang taong may kaalaman ay nagdaragdag ng kalakasan;
- sa pakikipagbaka, kailangan ang patnubay
at maraming tagapayo para magtagumpay.
- Para sa isang mangmang, masyadong mataas ang karunungan;
wala siyang masasabi sa kalipunan sa may pintung-pasukan.
- Ang nagbabalak ng masama
ay makikilalang tagapagbalak.
- Ang mga balak ng kamangmangan ay kasalanan,
at ang mga tao’y nasusuklam sa mga manlilibak.
- Kapag naghihina ka sa panahon ng kaguluhan,
napakaliit ng iyong kalakasan.
- Iligtas ninyo ang mga inaakay tungo sa kamatayan;
pigilan ninyo ang mga sumusuray patungong patayan.
- Kung sasabihin ninyo, "Wala kaming alam sa bagay na ito,"
hindi ba siyang tumitimbang ng puso ang nakaaalam nito?
Hindi ba niya pagbabayarin ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa?
- Anak ko, kumain ka ng pulut-pukyutan, sapagkat ito ay mabuti;
ang pulot buhat sa bahay ng pukyutan ay matamis kung iyong tikman.
- Alamin mo rin na ang karunungan ay matamis sa iyong kaluluwa;
kung masumpungan mo ito, may pag-asa ka sa kinabukasan,
at ang pag-asa mo’y hindi mapaparam.
- Huwag kang mag-aabang na parang tulisan laban sa tahanan ng taong matuwid,
huwag mong sasalakayin ang kanyang tirahan;
- pagkat pitong beses mang bumagsak ang taong matuwid, tumatayo uli siya,
ngunit ang masasama ay ibabagsak sa pamamagitan ng sakuna.
- Huwag mong ikagagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway;
huwag magagalak kung siya ay mabuwal,
- makikita ito ng Panginoon at di siya sasang-ayon
at hindi na siya magagalit sa kanya.
- Huwag mong katakutan ang masasamang tao
o mainggit man sa masasama,
- pagkat ang masamang tao ay walang pag-asa sa hinaharap,
at papatayin ang ilaw ng masasama.
- Anak ko, matakot ka sa Panginoon at sa hari,
at huwag kang sasama sa mapaghimagsik,
- pagkat silang dalawa ay biglang magpapadala ng pagkawasak sa sarili nila,
at sino ang nakababatid sa mga sakunang kanilang madadala?
Iba Pang Salawikain ng Pantas
- Ito pa ang mga salawikain ng Marunong:
Ang paghatol na may pagtatangi ay hindi mabuti;
- Sinumang magsabi sa nagkasala, "Wala kang kasalanan"—
susumpain siya ng mga tao at tutuligsain ng mga bansa.
- Ngunit mapapabuti ang mga humahatol sa nagkasala,
at ang masaganang pagpapala ay darating sa kanila.
- Ang tapat na sagot
ay tulad ng isang halik sa mga labi.
- Tapusin mo ang iyong gawain sa labas
at ang mga bukid mo ay ihanda;
pagkatapos, itayo mo ang iyong bahay.
- Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang dahilan,
o gamitin kaya ang iyong mga labi para manlinlang.
- Huwag mong sasabihin ,
"Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.
Gaganti ako sa kanya sa ginawa niya sa akin."
- Dumaan ako sa bukid ng isang tamad,
dumaan ako sa ubasan ng isang taong walang sapat na pagpapasiya;
- mga tinik ang nagkalat sa bawat dako,
ang lupa’y lipos ng mga damo, at guho ang pader na bato.
- Iniugnay ko sa aking puso ang aking nasaksihan
at sa aking nakita, isang aralin ang natutuhan:
- Kaunting tulog, kaunting idlip,
sandaling paghalukipkip ng mga kamay para mamahinga—
- at parang mandarambong na darating sa ‘yo ang kahirapan.
|