| |
Ilan Pang Kawikaan ni
Solomon
- Narito ang ilan pang kawikaan ni Solomon na sinipi ng mga tauhan ni Ezequias
na hari ng Juda:
- Kaluwalhatian ng Dios ang magkubli ng isang bagay;
ang magsaliksik ng isang bagay ang kaluwalhatian ng mga hari.
- Kung paanong mataas ang kalangitan at ang daigdig ay malalim,
gayon hindi matutuklasan ang mga puso ng mga hari.
- Alisin mo ang duming kahalo ng pilak,
at lalabas ang sangkap na kailangan ng platero;
- alisin mo ang masasama sa harapan ng hari,
at ang kanyang trono’y matatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
- Huwag mong itataas ang iyong sarili sa harapan ng hari,
huwag kang pipili ng dako sa harapan ng mga dakilang tao;
- mabuti pa ang sabihin niya sa iyo, "Umakyat ka rito,"
kaysa ikaw ay hiyain niya sa harapan ng isang maginoo.
- Ang nakita ng iyong mga mata
ay huwag mo agad dadalhin sa hukuman,
pagkat ano ang gagawin mo sa bandang huli
kung ilagay ka sa kahihiyan ng iyong kapwa?
- Kung ipagtanggol mo ang iyong kaso laban sa iyong kapwa,
huwag mong ipagkakanulo ang pagtitiwala ng ibang tao,
- pagkat baka hiyain ka ng makarinig nito
at hindi na maaalis ang masama mong larawan.
- Ang isang salitang tumpak na binigkas
ay tulad ng mansanas na ginto sa enggasting pilak.
- Tulad ng hikaw na ginto o isang alahas na yari sa dalisay na ginto
ang pagsaway ng marunong na tao sa taingang nakikinig.
- Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan
ang isang mapagtitiwalaang sugo sa kanila na nagsugo sa kanya;
pinasasariwa niya ang espiritu ng kanyang mga panginoon.
- Tulad ng ulap at hanging walang ulan
ang isang taong nagmamalaki ng mga regalo
na hindi naman ibinigay.
- Sa pamamagitan ng tiyaga ay nahihimok ang isang namamahala,
at ang isang maamong dila ay nakadudurog ng buto.
- Kung makasumpong ka ng pulut-pukyutan,
kumain ka lang ng sapat,
kapag dinamihan mo, baka ka masuka.
- Huwag kang laging mangangapit-bahay—
baka kung mapadalas, ikaw ay kamuhian.
- Tulad ng pambambo, isang tabak o matulis na palaso
ang taong sumasaksi nang kasinungalingan
laban sa kanyang kapwa.
- Tulad ng bulok na ngipin o isang pilay na paa
ang pagtitiwala sa taong di tapat sa panahon ng kahirapan.
- Tulad ng isang naghuhubad ng kasuotan sa malamig na panahon
o tulad ng sukang ibinuhos sa soda
gayon ang taong umaawit sa isang taong may mabigat na kalooban.
- Kung magutom ang iyong kaway, bigyan mo ng pagkain;
kung siya’y nauuhaw, bigyan mo ng inumin.
- Sa paggawa mo nito, ang kanyang ulo’y
binubuntunan mo ng nagniningas na baga,
at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
- Kung paanong ang hanging hilaga ay ulan ang dinadala,
gayon ang tusong dila na matatalim na tingin ang bunga.
- Mabuti pa ang tumira sa isang sulok ng bubungan
kaysa kasama sa bahay ng asawang palaaway.
- Tulad ng tubig na malamig sa isang kaluluwang napapagal,
gayon ang mabuting balita buhat sa malayong lugar.
- Tulad ng isang batis na maputik o isang balong marumi,
gayon ang taong matuwid na nagbigay-daan sa masasama.
- Hindi makabubuting kumain ng maraming pulut-pukyutan,
ni karangalan ang humanap ng sariling kapurihan.
- Tulad ng isang lunsod na wasak ang mga pader,
gayon ang isang tao na walang pagpipigil sa sarili.
|