| |
Ilan Pang Kawikaan ni
Solomon
- Ang masamang tao’y tumatakas bagaman walang humahabol,
ngunit ang taong matuwid ay kasing-tapang ng isang leon.
- Kapag ang isang bansa ay mapaghimagsik, ito’y maraming namamahala,
ngunit ang bansa ay napananatiling payapa ng taong may kaalaman at unawa.
- Ang tagapamahalang umaapi sa mga dukha
ay tulad ng bumubuhos na ulan na walang tanim na iniiwan.
- Ang tumatanggi sa kautusan ay pumupuri sa masasama,
ngunit ang sumusunod sa kautusan ay lumalaban sa kanila.
- Hindi nauunawaan ng masasamang tao ang katarungan
ngunit ito’y nauunawaang lubos ng humahanap sa Panginoon.
- Higit na mabuti ang taong dukha na ang lakad ay walang kapintasan
kaysa taong mayaman na ang mga daan ay karumal-dumal.
- Ang sumusunod sa kautusan ay isang anak na may unawa,
ngunit ang taong sumasama sa matatakaw ay kasiraan ng kanyang ama.
- Ang nagpapalaki ng kayamanan sa pamamagitan ng labis na patubo
ay nagtitipon para sa iba na magiging maawain sa mga dukha.
- Kung ang sinuman ay magiging bingi sa kautusan,
maging ang mga dalangin niya ay kasuklam-suklam.
- Ang umaakay sa mga matuwid sa paglakad sa masamang landas
ay mahuhulog sa sariling patibong,
ngunit ang walang kapintasan ay tatanggap ng isang mabuting mana.
- Sa sariling paningin, maaaring maging marunong ang isang mayaman,
ngunit ang taong mahirap na may pang-unawa ay nakahihigit sa kanya.
- Malaki ang kagalakan kapag ang mga matuwid ang nagtatagumpay,
ngunit nagtatago ang mga tao kapag ang masasama ang nasa kapangyarihan.
- Ang nagkukubli ng kanyang mga kasalanan ay hindi uunlad,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga ito
ay nakasusumpong ng habag.
- Mapalad ang taong laging may takot sa Panginoon,
ngunit ang nagmamatigas sa kanyang puso ay mahuhulog sa kaguluhan.
- Tulad ng umuungal na leon at lumulusob na oso
ang isang masamang namamahala sa kahabag-habag na mga tao.
- Ang malupit na namamahala ay kulang ng pang-unawa,
ngunit siyang namumuhi sa pakinabang sa masamang paraan ay hahaba ang buhay.
- Ang taong inuusig ng sarili dahil sa salang pagpatay,
ay magiging panaguan hanggang kamatayan,
hindi dapat tulungan ninuman.
- Ang lumalakad na walang kapintasan ay ligtas na iniingatan,
ngunit ang may masamang pamumuhay ay biglang mabubuwal.
- Ang nagyayaman sa kanyang lupain ay mananagana sa kanyang lupain,
ngunit ang naghahabol sa pangarap ay mamumulubi.
- Ang taong tapat ay pagpapalaing mabuti,
ngunit ang nananabik yumaman ay hindi makaiiwas sa parusa.
- Ang pagtatangi ay hindi mabuti—
ngunit dahil sa isang pirasong tinapay ang tao ay gagawa ng kamalian.
- Ang taong kuripot ay nananabik yumaman
at di niya alam na paghihirap ang sa kanya’y naghihintay.
- Ang sumasaway sa isang tao ay higit na kalulugdan sa wakas
kaysa dilang kunwari’y pumupuri.
- Ang nagnanakaw sa kanyang ama at ina
at nagsasabing "Hindi ito mali" ay kasama ng nagwawasak.
- Ang taong matakaw ay nagbubuyo ng kaguluhan,
ngunit siyang nagtitiwala sa Panginoon ay uunlad ang buhay.
- Ang nagtitiwala sa sarili ay mangmang,
ngunit ang lumalakad na may karunungan ay ligtas na iniingatan.
- Ang nagbibigay sa mga dukha ay hindi magkukulang,
ngunit ang di pumapansin sa kanila ay tatanggap ng maraming sumpa.
- Kapag ang masasama ay nagkaroon ng kapangyarihan,
umaalis ang mga tao at nagtatago;
ngunit kapag ang mga ito ay wala, ang mga matuwid ay lumilitaw.
|