Home page ooooo Back to index
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31
 

Mga Kawikaan 30

Ang mga Kawikaan ni Agur
  1. Ang mga salawikain ni Agur na anak ni Jaque—isang pahayag:
    Ipinahayag niya ito kay Itiel at kay Ucal:
  2. "Ako ang pinakamangmang sa lahat ng tao;
    wala akong pang-unawa ng tao.
  3. Hindi ako nagtamo ng karunungan,
    ni ng kaalaman tungkol sa kanya na Banal.
  4. Sino ang umakyat sa kalangitan at muling bumaba?
    Sino ang nakapagtipon ng hangin sa hoyo ng kanyang mga palad?
    Sino ang nagbalot ng tubig sa kanyang kasuotan?
    Sino ang nagtatag sa lahat ng sulok ng daigdig?
    Ano ang kanyang pangalan, at pangalan ng kanyang anak?
    Sabihin mo sa akin kung iyong alam!
  5. "Ang bawat salita ng Dios ay walang kapintasan;
    siya ay baluti ng mga nanganganlong sa kanya.
  6. Huwag mong daragdagan ang kanyang mga salita,
    pagkat pagwiwikaan ka niya at patutunayang ikaw ay sinungaling.
  7. Dalawang bagay ang hinihiling ko sa ‘yo, Panginoon;
    huwag mo akong tanggihan bago ako mamatay.
  8. Ilayo mo ako sa kasinungalingan at kabulaanan;
    huwag mo akong bigyan ng kahirapan o kayamanan,
    sapat nang sa bawat araw, bigyan ako ng tinapay.
  9. Baka kung managana ako, ikaw ay itakwil ko,
    at sabihin, ‘Sino ba ang Panginoon?’
    O kung maging dukha, ako naman ay magnakaw;
    sa gayon ang pangalan ng aking Dios ay malalapastangan.
  10. "Huwag mong sisiraan sa kanyang panginoon ang isang alipin,
    pagkat susumpain ka niya at pagbabayarin.
  11. May mga taong sumusumpa sa kanilang ama
    at di gumagalang sa kanilang ina;
  12. sila na nag-aakalang malinis sa sariling paningin
    ngunit hindi naman naglilinis ng kanilang karumihan;
  13. sila yaong ang mga mata’y laging nagpapalalo
    na ang mga tingin ay mapanghamak;
  14. sila yaong ang mga ngipin ay mga sundang,
    at inayos na mga patalim ang mga bagang
    upang silain ang mga dukha mula sa lupa,
    ang mga nangangailangan sa gitna ng sangkatauhan.
  15. "May dalawang anak na babae ang linta,
    ‘Magbigay! Magbigay!’ ang kanilang sigaw.
    "May tatlong bagay na kailanman ay di nasisiyahan,
    apat na kailanma’y hindi nagsabing, ‘Husto na!’:
  16. ang libingan, ang baog na bahay-bata,
    ang lupa na kailanman ay di nasisiyahan sa tubig,
    at ang apoy, na kailanma’y di nagsabi, "Husto na!"
  17. "Ang matang lumilibak sa ama,
    ang humahamak sa pagsunod sa ina,
    ay tutukain ng mga uwak sa tambak,
    at kakanin ng mga buwitre.
  18. May tatlong bagay na labis kong ipinanggigilalas,
    apat na hindi ko maunawaan:
  19. ang daan ng isang agila sa kalawakan,
    ang daan ng ahas sa ibabaw ng isang palanas,
    ang daan ng barko sa malawak na karagatan,
    at ang daan ng lalaki at babaing nagmamahalan.
  20. "Ito ang paraan ng babaing mangangalunya:
    Kumakain siya at nagpapahid ng kanyang bibig,
    at sinasabi, ‘Wala akong ginawang masama.’
  21. "Sa ilalim ng tatlong bagay, ang daigdig ay nanginginig,
    sa apat na bagay hindi ito makatatagal:
  22. ang isang alipin na nagiging hari,
    ang mangmang na sagana sa pagkain,
  23. ang babaing hindi iniibig ngunit may asawa,
    at ang isang aliping babaing pumapalit sa panginoon niyang babae.
  24. "Apat na bagay sa daigdig ang napakaliit,
    ngunit napakarunong:
  25. Ang mga langgam ay nilikhang kaunti lamang ang lakas,
    ngunit nag-iimbak ng pagkain kung tag-araw;
  26. ang mga kuneho ay mga nilikhang bahagya lamang ang kapangyarihan,
    ngunit doon sila gumagawa ng bahay sa mga bitak ng bato;
  27. ang mga balang ay walang hari,
    ngunit lumalabas silang pulu-pulutong;
  28. ang butiki ay maaaring mahuli ng kamay,
    gayunman, ito’y sa mga palasyo ng hari naninirahan.
  29. May tatlong bagay na magandang pagmasdan sa paglakad,
    apat na magara kung kumilos:
  30. ang leon na makapangyarihan sa lahat ang hayop
    na walang inuurungang anuman;
  31. ang magilas na tandang, ang barakong kambing,
    at ang isang hari na naliligid ng kanyang hukbo.
  32. "Kung nagkunwa kang mangmang at itinaas ang sarili,
    o kung nagbalak ka ng masama,
    pumalakpak ka at magtakip ng bibig!
  33. Sapagkat kung paanong sa paghalo ng gatas
    ay nakagagawa ng mantekilya,
    at kung pirutin ang ilong, ito’y nagdurugo,
    ang nag-uudyok ng galit ay lumilikha ng kaguluhan.

   

National Calendar of Events for the Filipino Community. PinoyEvents.com is free for all non-profit organizations in the US.


Tangkilikin ang kababayan natin.
Palakasin ang gawaing Pinoy.
Be in the national directory.
Pinoy Business Directory is a listing of Filipino businesses, churches, organizations, and professionals serving the Filipino Community.

AsianTexas.com Banner
Asian Business Directory, Community Bulletin, Calendar of Events, and Asian American Statistics.