| |
AWIT 18
Awit ni David nang
siya’y iligtas kay Saul.
- Iniibig kita, O
Panginoon, na aking kalakasan.
- Ang Panginoon ang
aking bato, ang muog ko at tagapaglitas;
ang Dios ang aking bato, sa kanya ako nanganganlong.
Siya ang aking baluti at sungay ng kaligtasan, aking tanggulan.
- Tumatawag ako sa
Panginoon na karapat-dapat papurihan,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
- Pumulupot sa akin
ang tali ng kamatayan,
ganap akong natabunan ng mga dagsa ng pagkawasak.
- Pumulupot na sa
akin ang mga tali ng libingan;
napaharap ako sa bitag ng kamatayan.
- Sa aking pagkabahala,
tumawag ako sa Panginoon;
Dumaing ako sa aking Dios para tulungan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig.
Sa kanyang harapan ay dumating ang daing at kanyang narinig.
- Nayanig ang lupa
at lumindol,
at nauga ang mga patibayan ng mga bundok;
at dahil sa galit niya, sila ay nanginig.
- Sa mga butas ng
kanyang ilong bumuga ang usok;
mula sa bibig niya ay lumabas ang apoy na tumutupok,
naglalagablab na mga baga ang bumuga mula roon.
- Nilisan niya ang
kalangitan ay siya ay bumaba;
ang tuntungan niya’y maitim na mga ulap.
- Lumulan siya sa
kerubin, pagkatapos ay lumipad;
pumailanlang siya sa mga pakpak ng hangin.
- Ginawa niyang kanlungan
ang kadiliman,
ang kulandong niya sa kanyang paligid—
ang maitim na ulap ng ulan sa kalangitan.
- Mula sa kaningningan
ng kanyang presensya lumitaw ang mga ulap,
may taglay na yelo, mga kulog at kidlat.
- Mula sa kalangitan
ay sumigaw ang Panginoon;
umalingawngaw ang tinig ng Kataastaasan.
- Pinahilagpos niya
ang kanyang mga palaso
at pinangalat ang mga kaaway,
at pinuksa sila ng matatalim na kidlat.
- Nalantad ang mga
pusod ng dagat
at ang mga patibayan ng lupa ay nahayag
dahil sa iyong pagkagalit, O Panginoon,
at sa buga ng hininga ng iyong mga ilong.
- Mula sa kalangitan,
siya ay bumaba at ako’y hinawakan
at iniahon niya ako sa kalaliman ng tubig.
- Iniligtas niya
ako sa makapangyarihan kong kaaway,
sa mga kalaban kong higit ang lakas na taglay.
- Hinarap nila ako
sa araw ng aking kapahamakan,
ngunit ang Panginoon ang aking sanggalang.
- Dinala niya ako
sa malawak na lugar;
iniligtas niya ako pagkat ako’y kanyang kinalugdan.
- Pinakitunguhan
ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ginantimpalaan ako ayon sa kalinisan ng aking kamay.
- Sapagkat lumakad
ako sa mga daan ng Panginoon;
wala akong ginawang kasamaan
sapagkat ang Dios ay di ko tinalikdan.
- Nasa harapan ko
ang lahat niyang kautusan;
hindi ko nilayuan ang kanyang mga tuntunin.
- Sa harapan niya’y
naging malinis ang aking buhay
at ako’y lumayo sa kasalanan.
- Ginantimpalaan
ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
- Sa mga taong tapat,
ikaw ay tapat din,
sa walang kapintasan, ikaw ay gayon din.
- Sa mga taong malinis,
ang pakita mo’y kalinisan,
ngunit sa mga liko, ipinakita mo’y katusuhan.
- Ang mapagpakumbaba’y
inililigtas mo
ngunit ibinababa ang mga may matang palalo.
- Ikaw, Panginoon,
ang nagpapaningas sa aking ilawan;
ang kadiliman sa buhay ko ay pinagliliwanag ng aking Dios.
- Sa tulong mo, mahaharap
ko ang isang hukbo;
maaakyat ko ang isang pader kung kasama ang aking Dios.
- Tungkol sa Dios,
ang daan niya’y walang kapintasan;
ang salita ng Panginoon ay ganap.
Siya’y isang kalasag ng lahat ng nanganganlong sa kanya.
- Sapagkat sino ang
Dios maliban sa Panginoon?
At sino ang Bato maliban sa ating Dios?
- Ang Dios ang nagbibigay
sa akin ng kalakasan
at gumagawa upang maging ganap ang aking daan.
- Ginagawa niyang
ang mga paa ko
ay maging parang mga paa ng usa;
tinutulungan niya akong tumayo sa mga kataasan.
- Sinasanay niya
ang mga kamay ko sa pakikibaka;
nahuhutok ng mga bisig ko ang panang tanso.
- Ibinibigay mo sa
akin ang iyong baluti ng tagumpay,
inaalalayan mo ako ng kanan mong kamay;
ikaw ay bumaba upang ako’y gawing dakila.
- Pinalalawak mo
ang daan kong tinatahak,
upang hindi malinsad ang aking mga paa.
- Tinugis ko ang
aking mga kaaway at sila’y inabutan;
hindi ako nagbalik hanggang hindi sila nalilipol.
- Ibinagsak ko sila
upang hindi na makabangon;
nabuwal na sila sa aking paanan.
- Binigyan mo ako
ng lakas para sa digmaan;
ang mga kaaway ko’y pinayuko mo sa aking paanan.
- Ang kaaway ko’y
iyong pinaatras,
ang mga kalaban ko ay aking winasak.
- Dumaing sila para
tulungan, ngunit walang magligtas sa kanila—
dumaing sa Panginoon, ngunit hindi siya tumugon.
- Dinurog ko sila
na parang alabok na tangay ng hangin;
ibinuhos ko sila na tulad ng putik sa mga lansangan.
- Iniligtas mo ako
sa mga pagsalakay ng mga tao;
ginawa mo akong pinuno ng mga bansa;
nasakop ko pati mga taong hindi ko kilala.
- Pagkarinig sa tinig
ko, sila’y sumusunod;
sa aking harapan, ang mga banyaga ay pawang natatakot.
- Silang lahat ay
nasisiraan ng loob;
nanginginig silang nagsisilabas sa kanilang muog.
- Buhay ang Panginoon!
Purihin ang aking Bato!
Nawa’y mataas ang Dios na aking Tagapagligtas!
- Siya ang Dios na
naghihiganti para sa akin,
nagpapasuko sa mga bansa sa aking paanan,
- siya na nagliligtas
sa akin mula sa mga kaaway;
iniligtas mo ako sa mga taong mararahas.
Higit sa mga kalaban ko, ako’y iyong itinaas.
- Dahil dito, pupurihin
kita sa gitna ng mga bansa, O Panginoon;
aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan.
- Binibigyan niya
ang kanyang hari ng mga dakilang tagumpay;
ang kahabagan niyang hindi nagmamaliw
ay ipinadadama niya sa kanyang hinirang,
kay David at sa kanyang lipi magpakailanman.
(NPV)
|