| |
AWIT 22
- Dios ko, Dios ko,
bakit mo ako pinabayaan?
Bakit ka lumayo sa pagliligtas sa akin;
kay layo mo para marinig ang aking pagdaing?
- O Dios ko, dumaraing
ako kung araw,
ngunit di ka sumasagot,
at kung gabi, di rin ako matahimik.
- Ngunit nasa trono
ka bilang Isa na Banal;
ikaw ang pinupuri ng Israel.
- Sa iyo naglagak
ng tiwala ang aming mga ninuno;
nagtiwala sila at iyong iniligtas.
- Dumaing sila sa
iyo at sila’y naligtas;
nagtiwala sila sa iyo at hindi nabigo.
- Ngunit ako’y isang
uod at di isang tao,
hinahamak ng mga lalaki at kinukutya ng mga tao.
- Nilalait ako ng
lahat ng makakita sa akin;
dinudusta nila ako, at iiling-iling pa ang mga ulo.
- "Nagtitiwala
siya sa Panginoon;
bayaang iligtas siya ng Panginoon.
Bayaang siya’y iligtas niya,
yamang nalulugod siya sa kanya."
- Gayunma’y inilabas
mo ako mula sa bahay-bata;
tunuruan mo akong magtiwala sa iyo
mula pa sa dibdib ng aking ina.
- Mula pa sa pagsilang,
inilaan na ako sa iyo;
nasa bahay-bata pa ako ng aking ina,
ikaw na ang aking Dios.
- Huwag kang lumayo
sa akin,
sapagkat malapit ang kaguluhan
at walang ibang tutulong sa akin.
- Maraming torong
nakapalibot sa akin;
malalakas na toro ng Basan ang nakapaligid sa akin.
- Mga leong umuungal
na lumalapa sa kanilang huli,
nagbuka ng kanilang mga bibig laban sa akin.
- Ako’y ibinuhos
na animo’y tubig,
ang mga buto ko’y nalinsad na lahat.
Ang puso ko’y naging parang pagkit
na natunaw sa aking dibdib.
- Ang lakas ko’y
natuyo na,
tulad ng basag na palayok.
Dumidikit ang dila ko sa aking ngala-ngala;
inihiga mo ako sa abo ng kamatayan.
- Pinaligiran ako
ng mga aso;
kinubkob ako ng pangkat ng masasamang tao;
ang mga kamay ko at paa ay kanilang sinaksak.
- Ang aking mga buto
ay mabibilang kong lahat;
mga tao’y nakatitig sa akin,
mga mata’y nandidilat.
- Hinahati-hati nila
ang aking kasuotan
at ang damit ko’y pinagsapalaran.
- Ngunit ikaw, O
Panginoon, huwag mo akong layuan;
O aking Lakas, lumapit ka agad at ako’y tulungan.
- Iligtas mo sa tabak
ang aking buhay,
ang mahalaga kong buhay mula sa lakas ng mga aso.
- Sa bibig ng mga
leon, iligtas mo ako;
iligtas sa mga sungay ng maiilap na toro.
- Ipapahayag ko sa
mga kapatid ko ang iyong pangalan;
sa loob ng kapulungan aking papupurihan.
- Kayong may takot
sa Panginoon, magpuri sa kanya;
lahat ng angkan ni Jacob, siya’y papurihan.
Igalang ninyo siya, ninyong lahat ng angkan ng Israel!
- Sapagkat hindi
niya hinamak o kinamuhian
yaong nagdaranas ng kahirapan;
hindi niya ikinubli ang mukha niya sa kanya;
sa halip ay dininig ang paghingi niya ng tulong.
- Sa iyo nagmumula
ang pagpupuri ko sa dakilang kapulungan;
tutupadin ko ang aking mga pangako
sa harapan ng mga may takot sa iyo.
- Ang dukha’y kakain
at masisiyahan;
pupurihin siya ng mga humahanap sa Panginoon—
nawa ang puso mo’y mabuhay magpakailanman!
- Lahat ng nilalang
sa buong daigdig
ay makaaalaala at magbalik-loob sa Panginoon.
Lahat ng sambahayan sa mga bansa
ay yuyukod at sasamba sa kanya,
- sapagkat ang pamamahala
ay sa Panginoon
at siya ang maghahari sa lahat ng bansa.
- Lahat ng mayaman
dito sa lupa ay magpipista at sasamba;
lahat ng namayapa na ay maninikluhod sa kanyang harapan—
silang mga tao na ang sarili’y di mapanatiling buhay.
- Ang buong lahi
ay maglilingkod sa kanya;
ang tungkol sa Panginoon ay ibabalita
sa susunod na mga lahi.
- Ipapahayag nila
ang kanyang katuwiran
sa mga taong di pa isinisilang
pagkat ito’y ginawa na niya.
(NPV)
|